Ramon Tulfo, inaresto ng MPD dahil sa kasong libel na isinampa ng dating kalihim ng DOJ

Inaresto ng Manila Police District (MPD) ang broadcaster at kolumnista na si Ramon Tulfo.

Ito ang kinumpirma ni dating Justice Sec. Vitaliano Aguirre at MPD Dir. PBGen. Leo Francisco.

Ayon kay Aguirre, nadakip si Tulfo nang siya ay dumalo sa hearing sa Manila Regional Trial Court kaninang umaga kaugnay sa kasong libel na isampa laban sa kaniya.


Ayon kay Aguirre, ang pagkaka-aresto kay Tulfo ay base sa inisyung “bench warrant” ng Manila RTC branch 24 laban sa broadcaster.

Hindi raw kasi dumadalo o nagpapakita si Tulfo sa mga nakalipas na hearing na ipinapatawag ng korte.

Ang kasong libel kontra kay Tulfo ay nag-ugat sa mga column niya sa ilang pahayagan laban sa dating Department of Justice (DOJ) Secretary.

Sinabi naman ni Gen. Francisco, dakong alas-10:30 ng umaga nang maaresto ng MPD si Tulfo saka dinala sa Manila Police District – Special Mayor’s Reaction Team MPD-SMaRT sa city hall kung saan inaayos na ang piyansa para sa pansamantala niyang kalayaan.

Facebook Comments