Arestado ang isang ranking member ng New People’s Army (NPA) at Number 8 Most Wanted Person sa Cagayan Valley Region matapos ang ikinasang operasyon ng Philippine National Police (PNP) katuwang ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sa ulat na nakarating kay PNP Chief General Debold Sinas mula kay PNP Cagayan Valley Regional Director Police Brigadier General Crizaldo Nieves, ang nahuling suspek ay kinilalang si Allan Rey Balanay 48-anyos, na naaresto sa Brgy. San Mabilao, San Fabian, Pangasinan kamakalawa ng gabi.
Si Balanay ay nahaharap sa mga kasong Murder, Frustrated Murder, Illegal Posession of Explosives, at Illegal Possession of Firearms.
Siya ay officer ng Henry Abraham Command ng CPP-NPA Northern Front Committee na nag-o-operate sa Northern Cagayan na responsable sa pagpatay kay Mayor Carlito Pentecostes sa townhall ng Gonzaga, Cagayan noong 2014.
Sangkot din siya sa pananambang at pagpatay sa anim na miyembro ng PNP Regional Public Safety Battalion sa Baggao, Cagayan ng noong February 2016 at iba pang malalaking krimen sa Cagayan.