Kinumpirma ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na gumaganda na ang ranking ng Pilipinas sa World Health Organization (WHO) pagdating sa sitwasyon at pangangasiwa sa COVID-19 pandemic
Ayon kay Duque, nasa ikalimangput siyam na pwesto ang Pilipinas sa buong mundo habang nasa ika-lima naman sa ASEAN pagdating sa bilang ng mga active cases.
Aniya, nasa 28,102 ang active COVID-19 cases sa Pilipinas na mas mababa sa Lao People’s Democratic Republic na nasa 47,000; Malaysia na nasa 65,000; Thailand na nasa 94,165 at Vietnam na nasa 140,129 ang aktibong kaso.
Sa kasalukuyan aniya ang Pilipinas ay mayroong 25,247 na kaso sa kada isang milyong populasyon.
Mas mababa ito kumpara sa Thailand na nasa higit 28,000; Brunei Darussalam na nasa 32,000; Singapore na nasa 40,113 at Malaysia na nasa 77,317.
Giit ni Duque, ang ibig sabihin lang ng mga indikasyon na ito ay gumaganda ang sistema sa pangangasiwa ng bansa sa pandemya.
Dagdag pa rito aniya ang mahusay na pangangalaga at pagliligtas ng ating mga healthcare workers at iba pang frontliners sa mga pasyente ng COVID-19.