Manila, Philippines – Hindi pinalampas nina Senators Antonio Trillanes IV at Leila De Lima ang rape joke ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga sundalo na tutugis sa Maute group na naghahasik ng karahasan sa Mindanao partikular sa Marawi City.
Para kay Trillanes ang nabanggit na rape joke ay nagpapakita na may deperensiya umano talaga sa pag iisip si Pangulong Duterte.
Sa halip, ayon kay Trillanes, dapat ay igiit ni President Duterte sa mga sundalao na sa gitna ng umiiral na martial law sa Mindanao ay maging disiplinado ang mga ito, maging professional at huwag abusuhin ang mga karapatan ng mga mamamayaan.
Umaasa si Trillanes, na hindi susunod sa rape joke ng pangulo ang mga sundalo.
Giit naman ni Senator De Lima, ang nabanggit na rape joke ni Pangulong Duterte ay isang insulto sa mga kababaihan, mga sundalao, at sa buong bansa.
Diin ni De Lima, nakakadismaya at nakakagalit ang nabanggit na mga pahayag at biro mula sa pangulo.
Tanong ni De Lima, bakit kailangang palabasin ng pangulo na mga halimaw ang ating mga magigigiting, matatapang at may dignidad na mga sundalo na buong pusong naglilingkod sa bayan?
Dagdag pa ni De Lima, bakit pinapayagan ng taumbayan ng mga Pilipino ang ganitong klase ng pambabastos at pambababoy sa ating kapwa tao.
Bakit aniya hinayaan lang ang Pangulong Duterte na haluan ng kahalayaan ang isipan ng lipunan lalo na ng mga kabataan.
DZXL558, Grace Mariano