Naitala ng Philippine National Police (PNP) ang patuloy na pagbaba ng walong focus crimes, kabilang na ang rape at murder sa nakalipas na 84 na araw na umiiral ang quarantine situation sa bansa.
Base sa comparative analysis ng Joint Task Force (JTF) COVID Shield, bumaba ng 57% ang naitalang kaso ng focus crimes mula sa 13,004 na kaso noong December 24, 2019 hanggang March 16, 2020 sa 5,652 na kaso na lang mula March 17 hanggang June 8, 2020.
Sinabi ni PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa, ang pagpapairal ng community quarantine ay hindi naging hadlang sa pagtugis ng PNP sa mga kriminal.
Samantala, iniulat ni JTF COVID Shield Commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar kay PNP Chief na 193,779 community quarantine violators ang pinagsabihan, pinagmulta at inaresto sa loob ng nakalipas na tatlong buwan.
Karamihan sa mga ito ay sa Luzon na may 126,038 violators; habang 34,370 ang violators sa Visayas at 33,371 naman sa Mindanao.
Patuloy naman ang paalala ng PNP sa publiko na sundin ang mga protocols para makaiwas pa din sa COVID-19.