Rapid Antibody Test, hiniling ng isang kongresista sa DOH na huwag nang ipatupad

Hinihikayat ni Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez ang Department of Health (DOH) na huwag nang irekomenda ang paggamit ng Rapid Antibody Test (RAT) sa pag-screen ng sakit na COVID-19.

Sa inihaing House Resolution 1146 ni Rodriguez, iginiit nito na mas dapat isulong ng DOH ang Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) o swab test na siyang gold standard sa COVID-19 testing.

Paliwanag ng kongresista, ang RT-PCR o swab test ay ipinapakita talaga ang “actual presence” o anyo ng mismong virus habang ang rapid test ay nakaka-detect lamang ng antibodies na inilababas ng katawan bilang reaksyon sa isang ‘infectious agent’ tulad ng virus.


Nababahala ang kongresista na sa kabila ng mga testimonya at patunay ng mga eksperto na hindi epektibo ang rapid test ay marami pa ring establisyemento at kumpanya ang gumagamit ng RAT para i-test ang kanilang mga manggagawa at empleyado sa COVID-19 bago makabalik ng trabaho.

Dahil sa maling resulta ng rapid test ay maraming mga indibidwal ang isinailalim sa quarantine habang marami naman sa mga may impeksyon ng Coronavirus ay ‘cleared’ o ‘negative’ sa rapid test at hindi alintana na naikakalat na pala nila ang sakit.

Pinaniniwalaan din aniya ng mga eksperto na ang maling clinical decisions sa maling resulta ng rapid test ang naging ugat din ng pagtaas ng kaso ng impeksyon sa Metro Manila.

Tinukoy pa ni Rodriguez na ilang mga bansa na ang ipinagbawal o banned ang paggamit ng rapid test tulad ng Australia, Dubai at India.

Facebook Comments