Rappler CEO Maria Ressa, naghain ng ‘not guilty’ plea para sa ika-limang tax case sa Pasig RTC

Naghain ng ‘not guilty’ plea ang Rappler CEO Maria Ressa sa kanyang ika-limang tax evasion case sa Pasig Regional Trial Court (RTC).

Si Ressa ay binasahan ng sakdal ni Pasig RTC Branch 157 Judge Ana Teresa Cornejo-Tomacruz kaninang umaga, kung saan isang abogado ng akusado ang pinahintulutang lamang na pumasok sa courtroom.

Ang kasong ito ay may kinalaman sa umano’y hindi pagsasabi ng totoo ni Ressa sa tamang impormasyon ng value added tax (VAT) return para sa 2nd quarter ng 2015, na nagkakahalaga ng P294,258.58.


Kasabay nito, kinuwestiyon ng kampo ni Ressa kung bakit ang Pasig City RTC ang humawak ng kaso, gayong dapat ito ay sakop ng Court of Tax Appeals (CTA).

Una nang iginiit ng Pasig City RTC na may hurisdiksyon sila sa kaso ni Ressa dahil base sa batas ay maaaring isampa ang mga kasong paglabag sa Tax Code, kung hindi lalampas sa isang milyong piso ang hinahabol ng gobyerno.

Nag-ugat ang Tax cases ng Rappler dahil sa pagbebenta ng Philippine Depository Reciept o PDR, kung saan hindi umano idineklara ang tamang buwis nito.

Facebook Comments