Nahaharap sa ikatlong cyber libel case si Rappler CEO Maria Ressa.
Ito ay may kinalaman sa isang reporter na nagsulat ng istorya patungkol sa isang university official na tumanggap umano ng suhol mula sa mga estudyante ng thesis.
Pinakakasuhan si Ressa at Rappler reporter Rambo Talabong ng cyber libel sa Manila Regional Trial Court nitong January 8.
Inakusahan ang dalawa na sinira ang reputasyon ng isang program chairperson ng De La Salle College of Saint Benilde sa isang istoryang inilathala noong January 23, 2020.
Nakasaad sa report na may mga estudante ng Export Management Program ang nagbayad ng 20,000 pesos para makapasa sa kanilang klase sa kanilang thesis coordinator na si Ariel Pineda sa pamamagitan ng isang middleman.
Iniimbestigahan na ng unibersidad ang kaso, kung saan nakasaad pa sa artikulo na na-promote pa si Pineda para maging Export Management Program chairperson.
Hindi sumagot si Pineda sa mga alegasyon ng artikulo kahit hinihingan siya ng komento.
Ayon sa Prosecutor, may bahagi ng artikulo na naglalaman ng ‘false,’ ‘malicious,’ ‘derogatory,’ at ‘higly libelous imputation’ at ‘offensive insinuations’ laban kay Pineda.
Tila pinapalabas ng artikulo na tiwali si Pineda at ine-expose sa publiko para bastusin at suklaman.
Ayon naman sa abogado ng Rappler na si Atty. Theodore Te, nagboluntaryo nang sumuko sina Ressa at Talabong at nagpiyansa ng tig-30,000 pesos matapos silang pagsilbihan ng arrest warrant.
Nanindigan ang Rappler sa kanilang istorya.