Pumalag si dating Senador Bongbong Marcos sa inilabas na report ng online news media na Rappler na nagsasabing kinuha niya ang serbisyo ng Cambridge Analytica para magsagawa ng ‘rebranding’ sa imahe ng kaniyang pamilya.
Sa isang statement, tinawag ni Marcos na kasinungalingan at mapanlinlang ang report na ito ng Rappler.
Binigyang diin ng dating Senador na hindi niya kailanman nilapitan ang Cambridge Analytica at nalalaman lamang niya ang aktibidad nito sa ibang media reports.
Ani ni Marcos, sa halip na magbago at magpakita ng pagkilala sa pundamental na alituntunin ng pamamahayag tulad ng patas na pagbabalita, nagpapatuloy ang Rappler sa pagpapalaganap ng pekeng balita.
Ito aniya ay para pagmukhaing masama sa paningin ng publiko ang kaniyang pamilya.
Kaduda-duda aniya ang panahon ng paglalabas ng report dahil itinaon ito habang nasa gitna ng pagsubok ang naturang online media partikular ang hatol ng guilty ng korte sa cyber libel case ng founder nito na si Maria Ressa.