Cauayan City, Isabela- Pormal nang inilunsad ng Department of Agriculture (DA) sa pangunguna mismo ng kalihim nito na si William Dar ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na isa sa mga saklaw ng Rice Tariffication Law (RTL) para sa mga magsasaka ng bansa.
Ayon kay Sen. Cynthia Villar na siyang may akda sa naturang batas, layunin nito na maiangat ang kabuhayan ng mga magsasaka ng bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na kaalaman, pondo at mga farm equipment upang makasabay ang mga ito sa pamamaraan ng pagsasaka ng ibang bansa.
Ang nasabing programa ay dinaluhan ng libo-libong miyembro ng bagong tatag na ‘Super Cooperative’ na tinawag na ‘Nagkakaisang Magsasaka ng Isabela’ na kung saan sila umano ang kauna unahang makikinabang sa programa ng pamahalaan.
Sa ilalim ng RTL sa naturang programa ay nagkaroon ng MOA ang DBP, DA, at pamahalaang panlalawigan kung saan ang DBP ay nakatakdang magpahiram sa Cooperative ng mga magsasaka ng aabot sa 400 million pesos bilang inisyal na pondo ng Coop upang gamitin sa pagbili ng mga produkto na palay ng mga miyembro nito.
Magtutulungan din ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno upang suportahan at iangat ang kabuhayan ng mga magsasaka sa lalawigan ng Isabela.
Pinasalamatan naman ng mga lokal na opisyal ng Isabela sa pangunguna ni Gov. Rodito Albano ang DA at ibang mga ahensya ng pamahalaan dahil sa pagbuhos ng tulong sa mga magsasaka ng Isabela na tiyak umano na makakapagpaangat sa kabuhayan ng mga maliliit na magsasaka nito.
Bukod sa pondo ay namahagi na rin ng mga binhi at farm equipments ang kagawaran ng Pagsasaka sa Lambak ng Cagayan.