Nagkakaisa ang Senado at ang Department of Trade and Industry (DTI) sa paniniwala na mas mapapabilis ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) ang pagbangon ng ekonomiya mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa forum na ginanap tungkol sa RCEP, nagpahayag ng tiwala si DTI Secretary Alfredo Pascual na magiging mabilis ang economic recovery ng bansa ngayong ganap na tayong kasapi ng free trade agreement.
Ayon kay Pascual, ang paraan para sa pagbangon ay ang paghikayat ng mga investments, pagpapalakas ng mga micro small and medium enterprises (MSMEs), at pagsusuplay sa mga malalaking negosyo sa bansa na siyang nakapaloob sa RCEP.
Magreresulta aniya ito sa pag-usbong pa ng maraming negosyo at ang pagdami ng negosyo ay makakalikha at makapagbibigay ng trabaho sa ating mga kababayan partikular sa mga nawalan ng hanapbuhay nitong pandemya.
Nunang sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na sa ilalim ng implementasyon ng RCEP ay inaaasahang makakalikha ito ng 1.4 million na trabaho para sa mga Pilipino pagsapit ng 2031.
Inihalimbawa naman ni Zubiri ang naging karanasan ng Vietnam, Cambodia, Thailand at Malaysia na gumanda ang export industry mula nang sumali sa RCEP na posibleng mangyari din sa Pilipinas.
Kumpyansa naman si Senate President Pro Tempore Loren Legarda na maganda ang timing ng pag-ahon mula sa pandemya dahil nagkaroon tayo ngayon ng bagong merkado ng mga produkto na tiyak magpapasigla sa ating ekonomiya.