Inatasan ng COVID-19 Task Force ang Department of Trade and Industry (DTI) na unti-unting ire-categorize ang mga industriya kasabay ng pagluluwag ng restriksyon para pigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Base sa resolusyong ipinasa ng Inter-Agency Task Force (IATF), kailangang baguhin ang pagre-categorize mula sa category 4 hanggang category 3 sa mga lugar sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Tutulong sa DTI ang Department of Finance (DOF), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Tourism (DOT) sa pagre-review na gagawin.
Kasabay nito, nilinaw ng Malakanyang na hindi pa rin papayagan ang mga manonood sa mga sports at exercise sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ at Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ito ay bilang pag-iingat sa pagkahawa sa COVID-19 na mataas ang tiyansang mangyari kung magkakaroon ng pagtitipon ang mga tao.
Hindi rin pinapayagan ng IATF ang operasyon ng sabong, beerhouse, nightclubs at kaparehong negosyo.
Alinsunod ito sa IATF Resolution no. 56 sa kabila ng pagbaba ng ilang lugar sa Modified General Community Quarantine.