Manila, Philippines – Iginiit ni Senator Panfilo Ping Lacson na Re-enacted man o maging batas ang 2019 national budget, ay kailangang ipatupad na ngayong buwan ang umento sa suweldo ng mga empleyado ng pamahalaan.
Tugon ito ni Senador Lacson sa pahayag ng Department of Budget and Management o DBM na nababalam ang pagpapatupad sa pagtaas sa suweldo ng mga empleyado ng pamahalaan bunga ng hindi pa naipapasang pambansang ngayong taon.
Pero diin ni Lacson, sa ilalim ng umiiral na patakaran, ngayong 2019 ay dapat matanggap ng mga kawani ng pamahalaan ang bahagi ng umento sa suweldo.
Tinukoy ni Lacson na basehan nito ang Executive Order 201 na nilagdaan ni dating Pangulong Benigno Aquino III para sa mga sibilyan; at Joint Resolution No. 1 para sa mga Military and Uniformed Personnel (MUP) na pinirmahan ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Paliwanag ni Lacson, nakapaloob sa miscellaneous personnel benefits fund o MPBF ng 2018 budget ang P62.8 bilyon para sa Compensation Adjustment, at P12.36 bilyon para sa Staffing Modification Upgrading of Salaries.