Rebelasyon ni dating Health Sec. Francisco Duque III tungkol sa iniutos na COVID fund transfer ni dating Pangulong Duterte, ipinasasama sa iniimbestigahan ng Ombudsman

Hiniling ni Senator Risa Hontiveros na isama sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman ang naging rebelasyon ni dating Health Secretary Francisco Duque III na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nagutos na ilipat ang pondong ₱47.6 billion na pondo ng Department of Health (DOH) sa Procurement Service ng DBM para sa pagbili ng mga COVID-19 supplies noong 2020.

Ayon kay Hontiveros, hindi na siya nagulat sa ibinunyag ni Duque sa oversight hearing ng Kamara patungkol sa budget performance ng DOH at PhilHealth.

Aniya, dahil ginawa ni Duque ang kaniyang pahayag ‘under oath’, dapat na maisama sa maiimbestigahan si dating Pangulong Duterte lalo na’t mapapatunayan naman na ipinakilala siya sa mga Pharmally officials ni Michael Yang na special adviser ng dating presidente noong 2017.


Dapat aniyang ipaliwanag ni Duterte ang mga polisiyang ikinunsidera nito na nagresulta sa pagbibigay ng direktiba noong kay Duque na ilipat ang COVID-19 funds.

Naniniwala si Hontiveros na sa huli ay tiyak na gugulong din ang hustisya at mapapanagot din ang lahat ng mga lumustay sa pera ng bayan noong panahon ng pandemya.

Nauna rito ay ipinagutos ng Ombudsman ang paghahain ng graft case laban kay Duque at dating PS-DBM Usec. Christopher Lao dahil sa irregular transfer ng pondo para sa COVID-19 supplies.

Facebook Comments