Pinabulaanan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang alegasyong may “rebranding”o binabago umano ng Department of Education (DepEd) ang tawag sa Martial Law.
Ito ay kasunod ng mga batikos sa social media tungkol sa isang Senior High school module, kung saan tinawag ang Martial law bilang sa New Society o Bagong Lipunan.
Ayon kay VP Sara Duterte, walang plano ang kagawaran na burahin at palitan ang katotohanan dahil batid nito ang kahalagahan ng Martial Law at EDSA People Power Revolution sa kasaysayan ng bansa.
Wala raw sa kaniyang mandato bilang kalihim ng DepEd na sirain ang integridad ng kasaysayan at wala silang panahon para sa historical revisionism.
Dagdag pa ni Duterte, “historical fact” naman aniyang maituturing ang paggamit ng terminong Bagong Lipunan bilang isa sa mga programang ipinatupad ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Matagal na aniyang ginagamit ng DepEd ang mga terminong ito sa mga textbook sa tamang konteksto mula pa noong taong 2000, at wala aniya sa trabaho ng kagawaran na burahin ito at palitan ng iba.