Mariing kinontra ni Committee on Environment and Natural Resources Chairperson Senator Cynthia Villar ang reclamation project na isinusulong ng Parañaque local government.
Giit ni Villar, magdudulot ito ng matinding pagbaha sa Cavite, Paranaque at Las Piñas at makasisira sa Las Pinas Parañaque Wetland Park.
Ginawa ni Villar ang pahayag bilang tugon sa nakatakdang public hearings sa Oktubre 1 at 2 para sa pagtatayo ng 287 ektaryang artipisyal na isla sa baybayin ng Manila Bay na sakop ng Parañaque.
Dagdag pa ni Villar, makasisira rin ang naturang proyekto sa 35 ektaryang Mangrove Forest na tirahan ng mga isda sa Manila Bay at pinagkukunan ng kabuhayan ng 300,000 mangingisda dito.
Umapela rin ang senadora sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ikonsidera ang buffer zone ng Wetland Park bago aprubahan ang anumang reclamation sa nasabing lugar.
Tinukoy ni Villar na sa ilalim ng Republic Act 1038 o Expanded National Integrated Protected Areas System Act, ang 175 ektaryang Wetland sa katimugang bahagi ng Manila Bay ay isang protected area.