Reclamation project sa Manila Bay, hindi dumaan sa konsultasyon sa DOST

Hindi isinailalim sa konsultasyon sa Department of Science and Technology (DOST) ang mga ginagawang reclamation project sa Manila Bay.

Sa pahayag ni DOST Sec. Renato Solidum sa media forum sa Maynila, wala namang nagtatanong sa kanilang ahensya kung ano ang epekto ng ginagawang pagtatambak sa naturang karagatan.

Aminado ang kalihim na may mga sapat na tauhan naman ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para mag-aral sa naturang proyekto.


Pero kung kukunin ang kanilang opinion, handa naman daw ang DOST na magbigay tulong tulad na lamang ng kung ano ang epekto ng reclamation sa kapaligiran.

Apela ni Solidum, dapat daw ay tiyakin ng mga contractor na matibay ang ginagawang pagtatambak dahil posibleng magkaroon ito ng masamang epekto sa mga susunod na taon.

Tinukoy niya ang magiging pundasyon ng mga tinambakan kung saan posibleng bumaba ang lupa kung hindi magiging maayos ang gagawin na pag-aaral.

Facebook Comments