Record breaking na dami ng tren na bumibiyahe sa MRT, naitala

Simula nang maisailalim ang Metro Manila sa General Community Quarantine (GCQ) nitong Hunyo ay wala nang naitatalang unloading at glitches o aberya sa MRT-3.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Director for Operations Michael Capati na maliban dito, naitala rin ang record breaking na pinaka-maraming bumibiyaheng tren sa MRT.

Kung dati ay nasa 9 hanggang 12 train sets lamang ang bumibiyahe, ngayon ay nasa 22 train sets na ang umaandar.


Base pa sa datos ng MRT, 67,000 na ang kanilang naisakay, 153 ang capacity kada train sets at nasa anim na minuto at kalahati ang waiting time bago makasakay ng tren.

Paliwanag ni Capati, resulta ito ng isinagawa nilang rail rehabilitation at maayos na pagmamantini ng tren.

Samantala, tiniyak din nito na lahat ng sumasakay ng MRT-3 ay nakakatalima sa health safety protocols.

Aniya, sa pila hanggang bago makapasok ng train stations ay mayroong security guards na tumitingin kung nakasuot ang lahat ng pasahero ng face mask at face shield habang sa loob ng tren ay mayroong train marshalls upang matiyak na nakakasunod ang mga pasahero sa social distancing at mahigpit ding ipinagbabawal ang pagsasalita, pagsagot ng telepono at pagkain.

Palagian din aniyang sumasailalim sa disinfection ang bawat bagon ng tren upang matiyak na mailayo sa banta ng COVID-19 ang mga pasahero.

Facebook Comments