Bubusisiin ng Department of Justice (DOJ) ang mga rekord ng Kamara kasunod ng panawagan na payagan na ang International Criminal Court (ICC) na imbestigahan ang naging war on drugs ng dating administrasyong Duterte.
Ayon kay Justice Sec. Jesus Crispin Remulla, hihingi sila ng transmittal sa Kongreso hinggil sa usapin at sa mga nangyari sa komite bago ito lumabas.
Pag-aaralan din ng DOJ ang naging ruling kamakailan ng Korte Suprema, kung saan inihayag ng SC na ang pag-atras mula sa Rome Statute ay hindi nangangahulugan na wala itong obligasyon bilang miyembro.
Dagdag pa ng kalihim, kailangan pag-aralan nang husto ng DOJ kung ang desisyon ng Korte ay maituturing na “obiter dictum” o nasabi lamang ng pahagip.
Matatandaang naghain ng resolusyon ang Makabayan bloc para hikayatin ang pamahalaan na makipag-cooperate sa imbestigasyon ng ICC laban sa drug war matapos aminin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na iniutos nito ang extrajudicial killings at pinondohan gamit ang kaniyang confidential at intelligence funds.