Iniulat ng Pag-IBIG Fund na muli nitong nalampasan ang record sa home loans matapos makapaglabas ng mahigit P40 billion sa unang limang buwan ng taong 2022.
Ayon sa Pag-IBIG, mula Enero hanggang Mayo ay naitala sa P40.41-B na halaga ng home loans ang nailabas na katumbas ng 15 percent na paglago mula sa P35.28-B sa kaparehong panahon noong 2021.
Ito rin ang pinakamataas sa kasaysayan para sa unang limang buwan ng kahit anong taon.
Ayon kay Human Settlements and Urban Development (HSUD) Secretary Eduardo del Rosario na nangangahulugan ito na naging epektibo ang home loan policies at inaasahang mas maraming Pilipinong manggagawa ang magkakaroon ng disente at abot-kayang tahanan.
Inihayag din ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Acmad Rizaldy Moti na napondohan ang nasa 36,865 housing units para sa mga miyembro na mas mataas ng limang porsyento.
Sa numerong ito, 6,787 o 18 percent ang socialized housing units na ngayo’y pinakikinabangan ng minimum-wage at low-income workers at kanilang pamilya.
Kumpiyansa si Moti na papalo sa P105-B ang halaga ng home loans na mailalabas sa pagtatapos ng taon.