Cauayan City, Isabela- Nasa 83% na ang recovery rate makaraang bumaba ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa lungsod ng Ilagan ng maisailalim ito sa Enhanced Community Quarantine sa loob ng dalawang linggo.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni City Mayor Jay Diaz, halos paisa-isa nalang ang naitatalang positibo sa virus kung ikukumpara noong matindi ang sitwasyon sa lungsod na halos araw-araw na hindi bababa sa 30 ang nagpopositibo sa sakit.
Bukod dito, nakasailalim na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang lungsod habang may ilan pa ring mga barangay ang nananatiling lockdown na kinabibilangan ng Bliss Village, Guinatan, Alibagu, Baculod, Alinguigan 2nd, Baligatan at Calamagui 1st kung saan may kaso pa rin ng COVID-19.
Balik pasada naman ang lahat ng mga PUVs at Tricycle Driver alinsunod sa alintuntunin na ipinatutupad ng Department of Transportation (DOTR) at Lokal na Pamahalaan.
Pinapayagan naman ang mga religious at social gatherings na may 50% capacity habang tinanggal na ang umiiral na liquor ban sa lungsod.
Mananatili namang ipapatupad ang city-wide curfew hours mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-5:00 ng umaga habang ipagbabawal pa rin ang mga sports activities tulad volleyball at basketball na kinakailangan namang tanggalin mga ring sa lahat ng community center.
Paalala naman ng alkalde sa publiko na huwag maging kampante at ugaliin pa rin ang pagsunod sa health protocol para sa tuloy-tuloy maayos na sitwasyon sa lungsod sa kabila ng banta ng COVID-19.