Napansin umano ng Bureau of Immigration (BI) personnel na nakadestino sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na dumarami ang bilang ng mga biktima ng illegal recruiters ang nahaharang sa paliparan na nagbibigay ng mga katawa-tawa at walang saysay na mga travel documents.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, mayroon umanong babaeng biktima na tinangkang sumakay sa Philippine Airlines flight patungong Singapore sa NAIA Terminal 1.
Napansin umano ng kanilang mga officers sa NAIA na nagprisinta ang biktima ng return credentials na nakapangalan sa ibang tao.
Inamin ng biktima na nais daw kasi ng kanyang recruiter na palabasing siya ay nagtatrabaho sa isang merchandise company sa Pilipinas at binigyan pa ng pekeng bank documents na mayroong mga grammatical errors.
Kalaunan ay lumabas din na ang biktima ay na-recruite na magtrabaho bilang entertainer sa isang bar sa Singapore.
Ang isa namang biktima ay nagpanggap daw na nanalo sa isang raffle na isinagawa ng isang travel agency.
Sinabi raw ng biktimang siya ay nanalo sa raffle contest na ini-sponsor ng Dubai-based travel agency.
Sa napanalunang raffle ay kasama raw ang holiday package, plane ticket at three-day hotel accommodation sa city-state.
Pero nang tanungin sa detalye ng contest ay wala itong kaalam-alam.