Isinawalat ng mga dating rebelde sa mga mambabatas na may nagaganap na recruitment sa loob ng mga pamantansan para umanib sa mga makakaliwang grupo.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs tungkol sa mga nawawala umanong estudyante, inilahad ng mga aktibista noon kung paano sila naging kasapi ng militanteng grupo.
Ayon kay “Allem”, 21, hindi niya tunay na pangalan, taong 2014 nang i-recruit siya ng League of Filipino Students (LFS) habang nag-aaral sa Polytechnic University of the Philippines (PUP).
Nahimok siyang sumali matapos ipaliwanag ng mga miyembro ng naturang organisasyon ang isyu tungkol sa kontraktuwalisasyon. Noong panahon na iyon, kontraktwal ang estado ng trabaho ng kaniyang ina.
Kuwento pa ni alyas “Allem”, naging aktibista siya ng halos tatlong taon bago magpasiya na maging miyembro ng New People’s Army (NPA).
Noong Abril 2018, nagdesisyon siya na kumalas sa komunistang grupo kasama ang isa pang miyembro na naging asawa niya.
Aniya, wala siyang natanggap na tulong sa NPA nang minsan magkasakit ang kanilang anak dahilan para sumuko sila sa militar.
Kuwento naman ni Agnes Reano, dati siyang mag-aaral sa Ateneo de Naga University nang makumbising sumali sa League of Filipino Students (LFS) noong 2014.
“I questioned the very principled tenets of the movement. Am I really serving my people? Talaga ba akong nagsisilbi sa bayan? Kung nagsisilbi ako sa bayan, bakit ‘yung anak ng may anak ‘di ko mapagpaalam sa magulang at kailangan kong dalhin sa kabundukan?,” saad ng dating rebelde.
Sinabi din ni Reano na namatay ang nursing student na kaniyang ni-recruit noong Hulyo 1989 matapos makipagbakbakan sa militar.
Panawagan nina “Allem” at Reano sa mga militanteng grupo, pauwiin na ang mga estudyanteng nahikayat para makapiling na ulit ang kani-kanilang pamilya.