Manila, Philippines – Ikinadismaya ni Senator Panfilo Ping Lacson ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang maliit na aksidente lang sa karagatan ang pagbangga ng isang Chinese vessel sa bangka ng mga Pilipinong mangingisda sa Recto Bank.
Ayon kay Lacson, mas masakit sa kalooban na tila agad sumuko si Pangulong Duterte nang hindi ikinokonsidera na mayroon pa tayong pwedeng gawin laban sa pambu-bully ng China.
Giit ni Lacson, maaaring gamiting armas laban sa China ang mutual defense treaty o ang tratado na nagtatakda ng pagtutulungan sa pagitan ng Amerika at Pilipinas.
Ipinaliwanag ni Lacson na dahil sa nabanggit na insidente ay pwedeng hilingin sa Amerika na mag-deploy ng kanilang mga barko para bantayan ang West Philippine Sea.
Nilinaw ni Lacson na ito ay hindi para mag-udyok ng World War 3 na siguradong hindi rin naman gugustuhing mangyari ng dalawang superpowers na China at Amerika.
Diin ni Lacson, ang presensya ng US pacific fleet ay para maiparamdam sa China ang balanseng kapangyarihan sa West Philippine Sea.