Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Director General Aaron Aquino, patuloy pa rin ang talamak na bentahan ng mga nasasabat na ilegal na droga.
Inihayag ito ni Aquino sa budget hearing ng Senado para sa panukalang pondo ng PDEA sa taong 2020.
Giit pa ni Aquino, mga tiwaling pulis ang nasa likod ng bentahan ng recycled drugs.
Idinagdag pa ni Aquino na ito ay dahil sa mabagal na kautusan ng Korte sa pagsira ng mga nasasabat na ilegal na droga.
Kaugnay nito ay sinabi ni Aquino na binabantayan ng PDEA ang isang tinaguriang drug queen sa Maynila na sangkot sa pagbili ng mga recycled illegal drugs mula sa mga law enforcement unit.
Binanggit naman ni Dangerous Drugs Board Secretary Catalino Cuy, na naisasagawa ang pag- recycle ng droga dahil may mga operatiba na hindi isinasama sa inventory ang ilang drugs na nakukumpiska.