Iginit ng mga miyembro ng gabinete at security officials ng gobyerno na hindi polisiya at agenda ng gobyerno at hindi rin nila ginagawa ang red-tagging o pagmarka sa sinuman bilang makakaliwa o kaya ay terorista.
Sa pagdinig ng Senado na pinamumunuan ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ay inihayag nina National Security Adviser Hermogenes Esperon at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduartdo Año na mismong liderato ng partido komunista ang nagre-red tag sa mga makakaliwang grupo.
Bilang patunay nito ay ipinresenta nila sa hearing ang isang lumang video kung saan binabanggit ni Communist Party of the Philippines (CPP) Founding Chairman Jose Maria Sison na front ng CPP ang mga militanteng grupo.
Kinabibilangan ito ng Bagong Alyansang Makabayan, Kilusang Mayo Uno, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Gabriella, Alliance of Concerned Teachers (ACT), at iba pang samahan.
Sinabi naman ni National Intelligence Coordinating Agency Director General Alex Monteagudo na guilty sila hindi sa red-tagging kundi sa truth tagging o pagsasabi ng totoo kung sino ang mga front member at front organization ng komunistang grupo para hindi maloloko ng mga ito ang publiko, mga kabataan at mga indigenous families.
Sa Senate hearing ay itinanggi naman ni Lt. Gen. Antonio Perlade na ni-red tag niya sina Liza Soberano at Catriona Gray at kaniya ring nilinaw na hindi miyembro ng New People’s Army o NPA ang aktres na si Angel Locsin.
Pero sinabi ni Parlade na NPA ang kapatid ni Angel na si Ella Colmenares habang ang tiyuhin naman ng aktres na si dating Bayan Muna Representative Neri Colmenares ay hindi NPA pero miyembro umano ng communist party.
Ikinatuwa naman ni Lacson na naging malinaw na hindi NPA si Angel lalo pa’t nabatid niya mula sa kaniyang anak na malapit na kaibigan ng kasintahan ng aktres na si Neil Arce na kukunin siyang ninong sa kasal ng mga ito.