Duda si Albay Rep. Edcel Lagman sa ginagawang red-tagging at terrorist-tagging ng militar sa mga progresibong grupo at mga kongresista ng Makabayan Bloc.
Sa tingin ni Lagman, kalkulado ang pagpapalutang sa isyu ng red-tagging dahil naging matunog ito sa kasagsagan ng deliberasyon ng Kongreso para sa 2021 national budget.
Ayon kay Lagman, ipinipilit ng militar ang red-tagging sa mga pinaghihinalaang kasapi ng CPP-NPA-NDF upang i-justify ang pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para matiyak ang malaking budget sa kanilang kampanya laban sa mga suspected insurgents at terrorists sa bansa.
Giit ni Lagman, ang NTF-ELCAC ay isa sa mga tanggapan na may malaking budgetary outlay na aabot sa halos ₱20 billion.
Wala aniyang pinagkaiba ang hakbang na ito sa ginawa noon ng mga militar matapos ang World War II noong 1950s at 1960s kung saan nagpalaganap ng paranoia laban sa mga myembro ng Hukbalahap para madagdagan ang pondo sa paglupil sa mga ito.
Patuloy naman ang Makabayan Bloc sa Kamara sa pagharang sa ₱19.1 billion na pondo ng NTF-ELCAC at sa halip ay ipinalilipat na lamang ang pondo para sa healthcare, job creation, at ayuda para sa mga mahihirap na apektado ng COVID-19 pandemic.