Reduced physical distancing sa public transportation, hiniling na irekonsidera ng pamahalaan

Umapela si Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin sa Department of Transportation (DOTr) at sa gobyerno na ikonsidera at baguhin ang desisyon nito na luwagan ang physical distancing sa loob ng mga public transportation.

Giit ni Garbin, hindi Diyos ang ahensya para pag-eksperimentuhan at paglaruan ang buhay ng mga tao ngayong mapanganib pa rin ang COVID-19.

Pinayuhan ng kongresista na dapat magsilbing leksyon sa gobyerno ang karanasan ng ibang mga bansa na biglang tumaas ang kaso ng Coronavirus matapos na buksan at luwagan ang ekonomiya.


Hindi na aniya kakayanin pa ng Pilipinas kung magkakaroon tayo ng spike o biglang pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19.

Inirekomenda ng opisyal na ang mainam na solusyon ay dagdagan ang mga idine-deploy na bus, jeepneys at tricycles kaakibat ng mahigpit na pagsunod sa health at safety protocols.

Sakali namang hindi na talaga mapigilan ang DOTr sa planong ‘reduced physical distancing’ sa public transportation ay hiniling ng mambabatas na palawakin ang ‘contactless’ na pagbabayad sa pamasahe, paglalagay ng mas maraming hand washing stations at rubbing alcohol dispensers sa mga terminals at sa loob ng mga public transport at pagre-require sa mga commuters na maghugas ng kamay, gumamit ng alcohol at pagsusuot ng face mask at face shield.

Facebook Comments