Referendum para sa People’s Initiative, kailangang maisagawa sa buwan ng Agosto at Setyembre para hindi makaapekto sa preparasyon para sa 2025 elections

Hindi kakayanin ng Commission on Elections o Comelec na pagsabayin ang paghahanda sa 2025 mid-term elections at pagdaraos sa huling quarter ng 2024 ng plebesito para sa People’s Initiative para isinusulong na Charter change (Cha-cha).

Kaya naman ayon kay Comelec Executive Director Teopisto Elnas, dapat ay maisagawa na ang referendum sa buwan ng Agosto at Setyembre dahil bukod sa 2025 national at local elections, magsasagawa rin ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa naturang taon.

Oktubre kasi ay simula na aniya ng filing ng certificate of candidacy para mid-term elections.


Inihayag ito ni Elnas sa briefing ng COMELEC sa House Committee on Suffrage and Electoral Reform kaugnay sa preparasyon para sa 2025 elections.

Binanggit din ni Elnas na ang rehistrasyon para sa lokal na halalan ay sa ika-12 ng Pebrero hanggang ika-30 ng Setyembre ngayong taon, habang ang rehistrasyon ng mga botante sa ibayong dagat ay ipagpapatuloy sa ika-12 ng Pebrero sa iba’t ibang lugar hanggang sa ika-30 ng Setyembre 2024.

Ang rehistrasyon ay isinasagawa sa pamamagitan ng Register Anywhere Project, na sinimulang gawin ang pilot testing noong nakaraang taon.

Ibinahagi ni Elnas na naghahanda ang Comelec sa pangkalahatan ng proseso ng halalan, simula sa pagbubukas ng mga botohan para sa pagboto, pagbilang, canvassing ng mga boto, at ang transmisyon ng mga resulta ng halalan sa iba’t ibang nasyonal at city boards hanggang provincial boards counting sa national board.

Facebook Comments