Hangad ng pamahalaan na makapag-engganyo pa ng mas madaming turista sa bansa lalo na’t unti-unti nang bumabalik ang sigla ng turismo.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na isinusulong nila ngayon ang isang “regenerative tourism” kung saan ang isang tourist destination ay mas pinaganda pa kumpara sa dati.
Isang halimbawa aniya nito ay ang sikat na Isla ng Boracay kung saan ito ang pangunahing tourist destination mapa-lokal man o dayuhan.
Pero dahil ito ay napabayaan, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ito ay pansamantalang isara sa loob ng 6 na buwan at nagbukas ulit makaraan ang rehabilitasyon nuong 2018.
Ani Sec. Puyat, noong reopening ng Boracay nasa 15 na lamang ang coliform level sa Isla, gumanda ang water quality at napaganda pang lalo ang Boracay.
Kasunod nito, tiniyak ng kalihim na tuloy ang ugnayan nila sa mga otoridad upang masiguro na lahat ng environmental laws sa bawat tourist destinations ay nasusunod.