REGION 2, APEKTADO UMANO NG 4 URI NG ILLEGAL DRUGS; PAGIGING DRUG-CLEARED, MALAPIT NG MAABOT-PDEA

Cauayan City, Isabela- Apektado umano ng apat (4) na uri ng illegal drugs ang Cagayan Valley region, ayon kay PDEA Region 2 Regional Director Joel Plaza.

Una sa listahan ang Shabu na nagkakahalaga umano ng P8,500 bawat gramo; Dried Marijuana na halagang P123; Ecstacy na nagkakahalaga ng P1,700 kada tableta at Marijuana hashish na may halagang P2,500 kada gramo.

Ayon kay RD Plaza, ngayong panahon ng pandemya ay madalas lamang na nakukumpiska ang mga Shabu at Marijuana.


Sa Drug Trafficking Routes, ang lalawigan ng Kalinga ang point of entry sa mga marijuana bago dumaan sa bayan ng Tuao, Enrile sa Cagayan maging sa bayan ng Quezon, Isabela kung saan napaulat ang napakaraming nakumpiskang mga marijuana leaves sa nakalipas na operasyon ng mga awtoridad.

Bukod dito,nagsisilbi namang transshipment points sa illegal shabu ang ilang siyudad at bayan gaya ng Bayombong, Santiago City, Cauayan City at Ilagan City.

Paliwanag naman ni RD Plaza na ilan sa mga Modus Operandi sa pagbabayad at pagkuha ng iligal na droga ay gaya ng delivery drugs sa pamamagitan ng mga courier companies, paggamit ng social media, wireless money transfer, paggamit ng pribadong sasakyan para maibyahe ang droga, motorsiklo at ng tinatawag na “Kaliwaan” system.

Samantala, nasa 381 barangays sa buong rehiyon dos ang nananatiling apektado ng illegal drugs kung saan pinakamalaking bilang pa rin na apektado ang mga barangay sa lalawigan ng Cagayan na umabot sa 204 barangays.

Habang 96 barangays naman sa Isabela ang apektado, 13 sa Santiago City,66 sa Nueva Vizcaya, 2 sa Batanes at zero naman sa lalawigan ng Quirino.

Nasa 16.48% na lang ang affectation rate sa rehiyon kung saan malapit na umanong maabot ang pagiging drug-cleared sa buong Cagayan Valley region.

Giit ni Plaza, malaki ang tulong ng ibang ahensya sa kakulangan ng tauhan ng PDEA sa kampanya kontra ilegal na droga.

Patuloy din aniya ang kanilang ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, barangays at sa komunidad para sa sustainability ng mga programa ng PDEA upang tuluyang maalis ang problema sa illegal drugs.

Facebook Comments