Region 2 Press, Nakipagduapang Palad Kay General Casimero

Naging kaaya-aya ang ginanap na ugnayan ng media ng Rehiyon Dos kay PBGen Angelito Casimero, ang pinuno ng PNP Cagayan Valley, sa Camp Marcelo Adduru, Alimannao sa Lungsod ng Tuguegarao.

Ito ay sa nangyaring Christmas party, fun shoot at general assembly meeting ng mga kasapi ng Police Regional Office 2 Press Corps na isinagawa upang ipagdiwang ang kapaskuhan.

Ang fellowship at Christmas program ay may temang ” Strong Partnership and Right News for Nation Building” kung saan ay nagkaroon ng simpleng paligsahan sa pagpapaputok ng baril ang mga kasapi ng media mula sa Isabela, Cagayan, Nueva Vizcaya at Quirino na siyang nagbigay sigla sa naturang aktibidad.


Itinaon din ang araw na iyon para sa taunang pulong ng mga kasapi ng PRO2 Press Corps at pagkakataong makipag-ugnayan kay General Casimero ang mga kasapi ng media sa Lambak ng Cagayan.

Sa naturang okasyon ay doon din inihayag ni General Casimero ang resulta ng paunang ebalwasyon sa pamumuno ng ibat ibang hepe ng pulisya at mga sangay ng PNP Rehiyon Dos sa kani-kanilang pamamahala batay sa mandato ng OIC PNP Chief Lt General Archie Gamboa kung saan ay 25 na pinuno ng mga ibat- ibang himpilan ng PNP ang papalitan sa kani-kanilang mga puwesto.

Ilan sa mga papaalisin sa kani-kanilang hawak na posisyon ay maililipat sa panibagong responsibilidad.

Kanya ding ibinahagi na nanguna ang PRO2 sa “Individual Commanders Evaluation Rating of Police Regional Offices” sa hanay ng 17 pangrehiyong pamunuan ng PNP sa buong bansa sa unang buwan ng ebalwasyon ng PNP.

Ipinaabot naman ni Ginoong Christopher Estolas, ang pinuno ng PRO2 Press Corps, ang pasasalamat sa suporta at pagiging bukas ng PNP Region 2 mula sa pangrehiyong hanay hanggang sa mga bayan sa mga pagkakataon na hinihingan ng media sila ng oras para sa panayam.

Sa mensahe ng heneral sa kanyang talumpati ay kanyang binigyan diin ang kahalagahan ng media para maipaabot ang mga importanteng bagay sa publiko at kanyang binanggit na pupuwedeng gawin ang kada tatlong buwan na fun shoot sa mga kasapi ng media sa Rehiyon Dos.

Facebook Comments