Regional Coordinator ng Anakpawis at Danggayan CV, Umapela sa CHR at Korte

Cauayan City, Isabela- Nananawagan ang Regional Coordinator ng Anakpawis partylist at Danggayan ti Mannalon ti Cagayan Valley sa Commission on Human Rights (CHR) at korte na imbestigahang mabuti ang ginawang paghalughog ng mga kasundaluhan at kapulisan sa kanyang bahay kahapon ng madaling araw, December 2, 2020 sa Barangay Carupian, Baggao, Cagayan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Isabela Adviento, regional coordinator ng Anakpawis Partylist at Danggayan Cagayan Valley, iligal aniya ang ginawang pagpasok at paghalughog ng mga elemento ng Armed Forces of the Philippines at PNP sa kanyang bahay na nagdulot ng takot at pagka-trauma ng kanyang pamilya.

Kanyang sinabi na wala ito mismo sa kanyang bahay nang mangyari ang insidente dahil kalasalukuyan itong nasa ibang lugar sa lalawigan para sa kanilang ginagawang relief operation.


Base aniya sa pahayag ng kanyang pamilya, dakong alas 3:30 ng madaling araw kahapon nang palibutan at sapilitang pinasok ng mga tropa ng kasundaluhan ang kanyang bahay at agad na pinalabas ang mga tao sa loob ng bahay.

Tinutukan pa umano ng baril ang ilan sa mga naabutan sa loob ng kanyang bahay at iginapos ang isang sa kanila.

Kaugnay nito, alas 6:00 na umano ng umaga nang dumating ang mga kasapi ng CIDG upang isilbi ang search warrant.

Ayon naman sa pahayag ng kanyang asawa, nang pumasok ito sa loob ng bahay para magpainit ng tubig ay mayroon aniya itong nakitang dalawang puting plastic na nakalapag sa sala.

Dito na umano nabatid ng kanyang asawa na naglalaman ito ng granada, baril at bala na pinaniniwalaang itinamin lamang ng mga operatiba.

Iginiit naman ni Adviento na gawa-gawa lamang ang pagkakarekober ng umanoy ebidensya sa kanyang sala dahil noon pa man aniya ay matagal na itong minamanmanan, pinagbabantaan at maraming beses ng kinasuhan subalit nadismis umano dahil sa kakulangan ng mga ebidensya.

Depensa nito, na kung talagang sa kanya ang mga narekober na armas at pampasabog ay hindi nito basta basta ilalagay sa sala.

Ayon pa kay Adviento, nakakaranas ngayon ng trauma ang kanyang pamilya dahil sa nangyaring insidente.

Dahil dito, umaapela ito sa CHR na imbestigahan ang tunay na pangyayari upang manaig aniya ang katotohanan at ng mabigyan ng hustisya ang ginawang paglapastangan sa kanilang karapatan.

Facebook Comments