Tinanggal sa pwesto bilang Regional Director ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 4-A si Barry Chua.
Ito ang inanunsyo mismo sa isang press conference ni DSWD Sec. Erwin Tulfo sa punong-tanggapan ng ahensya.
Sinibak din sa pwesto ang assistant regional director na si Mylah Gatchalian.
Ang pagsibak sa dalawa ay nag-ugat sa reklamo ni Noveleta Cavite Mayor Danny Chua dahil sa pagpapahirap umano ng ahensya sa mga residenteng lumalapit sa DSWD.
Sa alegasyon ni Mayor Chua, napakadami umano ang mga requirements na hinihingi ng DSWD.
Matapos na makarating kay Sec. Tulfo ang reklamong ito ni Mayor Chua ay agad nitong ipinatupad ngayong hapon ang pag-relieved sa pwesto sa dalawang opisyal.
Tiniyak naman ng kalihim na bibigyan niya ang magkabilang panig na magpaliwanag.
Pansamantalang uupo bilang officer-in-charge ng DSWD Region 4-A si Asec. Marites Maristela na kasalukuyang Assistant Secretary for Special Concerns.
Matatandaang sa command conference ni Pangulong Ferdinang “Bongbong” Marcos Jr., sa pagtama ng Bagyong Paeng, ipinag-utos ng chief executive na isantabi muna ang burukrasya at huwag na huwag papahirapan ang mga Pilipinong humihingi ng tulong sa gobyerno.