Nasawi ang Regional Head ng Far South Mindanao ng komunistang New People’s Army (NPA) sa ikinasang operasyon ng 1002nd Infantry Brigade ng Eastern Mindanao Command at Makilala Philippine National Police (PNP) sa Barangay Malabuan, Makilala, North Cotabato kahapon araw ng mga Puso.
Kinilala ang nasawing pinuno ng NPA na si Juanita Gore Tacadao alias Isay o Maring na nagsisilbing logistics and finance head ng grupo.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) eastmincom Lieutenant Colonel Ezra Balagtey napatay si Tacadao habang nakikipagbarilan sa tropa ng pamahalaan na magiisyu lang sana ng warrant of arrest dahil sa kasong murder o pagpatay at Robbery with Violence Against Intimidation of Person.
Nakuha ng mga sundalo at pulis sa hideout ng mga NPA ang bangkay ni Tacadao habang nakuha rin ang isang M14 rifle, isang caliber .38 pistols, isang International Humanitarian Law banned landmine, dalawang blasting caps, at isang detonating cord.
Habang sa isa pang hideout ng komunistang grupo sa Sitio Blazan, Malawanit, Magsaysay, Davao Del Sur narekober rin ng mga awtoridad ang isang M16 Rifle, isang Homemade 12 gauge shot gun, isang Hand grenade at 40mm ammunition, pagkain at mga mahahalagang dokumento ng NPA.