Umapela si Senator Raffy Tulfo sa Department of Migrant Workers (DMW) na magsagawa ng regular na pagmo-monitor sa physical at mental na kondisyon ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa gitna ng pagdinig ng Senate Committee on Migrant Workers tungkol sa mga nararanasang diskriminasyon sa mga OFWs ay pinatitiyak ni Tulfo na palaging ligtas at maayos ang kalagayan ng mga OFWs.
Inirekomenda ni Tulfo na dapat ay may mga kinatawan ng gobyerno na bumibisita at sumisilip sa kalagayan ng mga OFWs lalo na ang mga kasambahay.
Aniya, may mga OFWs na pisikal na naaabuso pero hindi makapagsumbong dahil ang mga cellphones nila ay karaniwang kinukumpiska ng mga employer o amo.
Hiniling din ni Tulfo na bigyan ng psychological exam ang mga OFWs matapos ang ilang buwan upang makumusta ang estado ng kanilang kaisipan.
Sakaling makita na iba-iba na ang sinasabi o kaya naman ay sobrang ‘homesick’ na ang OFW ay kukunin na ito ng gobyerno para matulungan na makauwi sa mga pamilya sa Pilipinas.
Tiniyak naman ni Migrant Workers Secretary Susan Ople na gagawa sila ng sistema para kada buwan ay makumusta ang mga OFWs pati na rin ang kanilang mga pamilya.
Nag-ugat ang pagdinig sa naunang privilege speech ni Tulfo tungkol sa OFW na si Jovelyn Andres na inabuso ng employer sa Saudi Arabia dahil buntis at kalauna’y nasawi rin.