Simula sa March 5, ititigil na ng National Food Authority ang lahat ng regulatory functions nito sa rice industry kasabay ng pag roll out ng gobyerno sa Rice Liberalization Law.
Ayon kay NFA OIC administrator Tomas Escarez, kabilang sa mga tungkulin na inalis sa ilalim ng RTL ay ang kapangyarihan ng ahensya sa pag isyu ng permit sa pag import at export ng bigas.
Gayundin ang pagkakaloob ng lisensya sa sinumang gustong pumasok sa pagtitingi ng pagkaing butil.
Hindi na rin papayagan ang NFA na mangolekta ng regulatory fees, mag isyu ng negotiable warehouse receipts, at pag-inspeksyon ng mga bodega ng bigas para manita ng nagtatago ng bigas.
Sinabi pa ni Escarez na panahon na ng anihan ang buwan ng Marso kung kayat pinakilos na niya ang lahat ng NFA field offices na ituon ang trabaho sa mas agresibong palay procurement para sa local buffer stocking.
Sa kasalukuyan, binibili ng NFA ang aning palay ng mga magsasaka sa presyong P17.00/kilogram at additional P3.00 incentives.