Rehabilitasyon ng mga paliparan sa Bicol Region na nasira ng Bagyong Rolly, minamadali na ayon sa CAAP

Mahigpit na tinutukan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang pagsasa-ayos ng mga paliparan sa Bicol Region na lubhang napinsala ng Bagyong Rolly.

Ayon kay CAAP Spokesman Eric Apolonio, ang Naga Airport ang nagtamo ng matinding pinsala ng bagyo kung saan natuklap ang kisame nito at nabasag ang ilang salamin partikular sa passengers’ terminal building na hinampas ng malakas na hangin.

Nagkaroon din ng bahagyang damage ang runway ng Naga Airport kung saan nasira ang ilaw nito at ilang debris ang nagkalat sa runway mula sa nasirang passengers’ terminal building.


Nauna nang itinigil ang operasyon sa Virac Airport at Naga Airport simula Sabado ng hapon, October 31 dahil sa inaasahang pagtama ng Super Typhoon Rolly.

Patuloy pa rin nagsasagawa ng clearing operation ang mga tauhan ng Naga at Legaspi Airport para tanggalin ang mga debris na nagkalat sa runway ng paliparan para sa muling pagbubukas ng operasyon nito.

Samantala, wala namang napaulat na naging pinsala ng bagyo sa airport ng Biliran, Borongan, Calbayog, Catarman, Catbalogan, Tacloban, Guiuan, Hilongos, Maasin at Ormoc sa Visayas.

Gayundin ang Masbate Airport, Sangley Airport maliban sa pagkawala ng supply ng kuryente dulot ng malakas na hangin dala ng Bagyong Rolly.

Facebook Comments