Nanawagan si Vice President Leni Robredo sa pamahalaan na bilisan ang rehabilitasyon sa Marawi City.
Kasabay ito ng paggunita sa ikatlong taong anibersaryo ng liberasyon ng lungsod kahapon.
Ayon kay Robredo, marami pa rin sa mga naapektuhan ng giyera ang nananatili sa mga temporary shelter, sira ang mga gusali at hindi pa makitaan ng “normalcy” ang war-wrecked city.
“Hanggang ngayon, three years after, marami pa rin ‘yung nakatira sa mga evacuation centers, temporary shelters, so kasama nito ‘yung pakiusap na sana mabilis-bilisan. Kasi lalong g tumatagal sila sa evacuation centers, ‘yung injustice lalong humahaba,” ang pahayag ni Robredo sa kanyang Sunday program sa RMN.
Samantala, sa kabila ng pagiging malaya ng Marawi, iginiit ni robredo na nananatili pa rin ang problema ng violence extremism sa lungsod.
Aniya, mahalaga ang pamumuno, edukasyon at economic progress ng isang lugar para masugpo ang violence extremism.
“Isa siya sa pinakamalaking hamon sa bansa natin at sana mabigyan ng focus ‘yung pa’no ba malalabanan ito. Yung pagsugpo talaga sa violence extremism mas malalim kesa sa giyera. Malaking bagay ‘yung governance, ‘yung education ng mga tao, ‘yung economic progress ng lugar kasi kaya nahihikayat ‘yung mga tao sa ganito kasi marami sa kanila kapit sa patalim,” dagdag pa ni Robredo.
Bago ito, pinasalamatan din ng Bise Presidente ang mga sundalo na nagsakripisyo ng kanilang buhay para mapalaya ang marawi mula sa mga terorista.
October 17, 2017 nang ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagiging malaya ng Marawi mula halos limang buwang panggugulo ng Maute Terrorist Group.
Nasa 920 militants, 165 sundalo at 47 sibilyan ang nasawi sa giyera.