
Bukod sa pagpapatayo ng silid-aralan sa kani-kanilang nasasakupan, ipinasa na rin ng Education Department sa mga lokal na pamahalaan ang replacement, rehabilitation, at improvement ng mga classroom.
Kabilang na rito ang procurement, supervision ng contractors, at araw-araw na implementasyon ng proyekto, alinsunod sa national procurement at building regulations.
Ang DepEd naman ang tutukoy sa priority schools, magbibigay ng standard classroom designs at technical specifications.
Gayundin ang pagsasagawa ng oversight sa pamamagitan ng pag-review ng mga plano, pag-validate ng natapos na proyekto, at pagtiyak na nasusunod ang national standards sa kaligtasan, accessibility, at kalidad.
Sa ilalim ng kasunduan ng DepEd at Local Government Units, malinaw ang shared responsibilities sa funding at long-term maintenance, kasama ang mahigpit na monitoring, reporting, at transparency requirements upang masiguro ang tamang paggamit ng pondo at pagkumpleto ng mga proyekto sa takdang oras.
Layon ng partnership sa national school building programs na mapabilis ang pagpapatayo ng classroom sa harap ng malaking kakulangan sa mga silid-aralan.










