Umapela ang labor group na Associated Labor Unions sa pamahalaan na luwagan ang mga hinihinging rekisitos sa mga employers upang makapag avail ng ayuda ang mga manggagawa na nahinto ang trabaho dahil sa enhanced community lockdown.
Ayon kay ALU executive vice president Gerard Seno malaking bilang ng mga benepisaryo ang hindi naabot ng ayuda dahil sa hindi naisusumiteng payroll at ibang requirements mula sa mga employers .
Iminungkahi ni Seno na pahintulutan ang mga kumpanya na magsumite na lamang ng sertipikadong listahan ng mga empleyado na may kasamang contact numbers para sa pagberipika.
Pinuri ng labor group ang pasiya ng pamahalaan na dagdagan ang pondo ng Department of Labor and Employment para sa cash assistance at sa cash for work schemes ng mga manggagawa na apektado ng enhanced community lockdown.
Sinabi ni ALU executive vice president Gerard Seno na ipinakita ng gobyerno na priyoridad din ang mga manggagawa na may maiaambag din sa paglaban sa pagkalat ng COVID-19.
Aniya, makatutulong ang hakbang upang kahit papaano ay mababawasan ang pag-aalburoto ng mga manggagawa na balot ng takot na baka magutom ang kanilang pamilya.