Mariing pinabulaanan ng barangay kapitana ng Botolan, Zambales ang ‘di umano’y pagsira ng kanilang kalikasan at lugar dulot ng ‘di umano’y dredging activities sa bunganga ng Bucao River.
Sa isang certification letter na pirmado ni Barangay Captain Lolita Angeles ng Botolan, Zambales, pinabulaanan nito ang akusasyon ng isang nagngangalang Heidi Fernandez ng radyo station Netz na nasira ang kalikasan at kabuhayan ng mga residente ng Botolan.
Wala umanong naging pinsala sa kanilang barangay ang sinasabing paghuhukay dahil mga eksperto ang mga gumawa.
‘Di rin umano apektado ang kabuhayan ng mga mangingisda rooon sa Botolan dahil malapit sa dalampasigan at hindi rin naman fishing grounds ang kalapit na karagatan sa Botolan.
Ayon kay Angeles, nangangailangan talaga ng dredging ang Bucao River matapos ang Bagyong Ondoy noon pang 2009.
Hindi rin aniya totoo ang alegasyon na mahigit tatlong daang bahay ang na wash out bunga ng dredging.
Nagsimula pa ang pagguho ng lupa sa Barangay Bangan noon pang kasagsagan ng Ondoy noong 2009.
Nagsimula lamang aniya ang dredging noong 2022.
Sinuspindi naman pansamantala ni Zambales Governor Hermogenes Ebdane ang river de-siltation operation upang pasinayaan ang imbestigasyon.