Pinatitiyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB sa mga bus consortium na nag-o-operate sa EDSA Carousel na sundin ang pinaiiral na fare matrix o ang tamang pasahe na itinakda ng kanilang tanggapan.
Kasunod ito ng pakikipagpulong ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III sa dalawang bus consortium upang iparating ang reklamo ng mga pasahero hinggil sa magkakaibang halaga ng pasahe o hindi nasusunod ang fare matrix kaya’t may pagkakataon na nagbabayad sila ng mas mataas.
Giit ni Guadiz, dapat pag-aralang mabuti at sundin ng mga operator, drayber at konduktor ng pampasaherong bus sa EDSA Carousel na nasisingil ang tamang pasahe alinsunod sa fare matrix.
Paliwanag ni Guadiz na may fare matrix na ginawa ang LTFRB at ito ay kanilang ibinigay sa lahat ng mga kompanya ng bus kaya’t marapat itong masunod.
Maaaring may pagkakataon na iba ang pagkakaunawa ng ilang konduktor sa fare matrix.
Nangako naman ang dalawang bus consortium na kakausapin nila ang kanilang mga konduktor hinggil sa isyu.