Cauayan City, Isabela- Aaksyunan ng punong bayan ng San Guillermo ang reklamo ng ilang hog raisers kaugnay sa mababang bili ng mga buyers sa kanilang mga alagang baboy na kinakatay at ibinebenta sa palengke.
Sa panayan ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Marilou Sanchez ng San Guillermo, beberipikahin aniya nito ang mga natanggap na reklamo sa mababang presyuhan sa mga buhay na baboy na ikinalugi ng mga may-ari ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ng alkalde na maaaring nakaapekto sa mababang presyo ng mga baboy ang kinakaharap ngayon na pandemya kaya’t matumal na rin ang bentahan ng karne ng baboy sa palengke.
Batid aniya nito na kokonti pa lamang ang mga nag-aalaga ng baboy sa kanyang nasasakupan dahil binibili pa ang ilang mga kinakatay na baboy sa mga karatig pang bayan.
Nagpapasalamat naman ito dahil hindi nakapasok ang sakit na African Swine Fever (ASF) sa kanyang nasasakupan at bilang pag-iingat na kumalat ang sakit ng baboy ay pansamantala muna nitong ipinatigil ang pagbili ng baboy sa ibang mga bayan.
Sakaling kinakailangan ang pagbili ng baboy sa ibang bayan ay isinasailalim din aniya ang mga binibili sa tatlong (3) araw na quarantine.
Mensahe nito sa kanyang mga kababayan, kung hindi importante ang gagawin sa labas ay manatili na lamang sa loob ng tahanan lalo na sa mga senior citizen at bata at sumunod lamang sa ipinatutupad na health and safety protocols laban sa COVID-19.