Manila, Philippines- Nagsagawa ng pagdinig ngayon si Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe sa mga reklamo ukol sa nawawalang load para sa prepaid simcards.
Tinalakay din pati ang mga sumbong hinggil sa dropped calls, load theft, automatic subscription sa mga promo na nagreresulta sa pagkabawas ng load credits at mahinang signal.
Diin ni Senator Poe, dapat mabusisi kung makatarungan ba ang kasalukuyang mga panuntunan hinggil sa expiration na itinatakda kaugnay sa binibiling halaga ng load.
Naniniwala si Senator Poe, katulad sa panukalang nagtatanggal sa expiration dates ng mga gift checks at gift cards na nakalusot na sa Senado ay dapat ding maalis ang expiry dates sa prepaid load credits.
Base sa impormasyong ibinigay ng democracy.net.ph advocacy group na nasa 95.78% o sumatutal na 120.3 million na subscribers ay naka-prepaid.
Basehan din ng pagdinig ang panukalang inihain ni Senator Ralph Recto na magpaparusa kaugnay sa paglalagay ng expiration period sa prepaid load, pagkawala ng load sa mga aktibong prepaid account at ang pag-ayaw na mai-refund ang kinaing load sa kawalan ng dahilan.