Reklamo sa Pagala-galang Kambing, Motibo umano sa Pamamaril sa 9-anyos na Bata

Cauayan City, Isabela- Isa ang reklamo tungkol sa pagala-galang mga alagang kambing ng suspek ang motibo sa nangyaring pamamaril sa bahay ng pamilya Londonio na ikinasawi ng isang 9-taong gulang na batang lalaki dakong alas-otso ng gabi nitong linggo, March 21,2021 sa Purok 4, Brgy. Mangcuram, City of Ilagan, Isabela.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay PLTCOL. Virgilio Abellera Jr., hepe ng PNP Ilagan City, inireklamo umano ng ilang residente ang mga alagang kambing ng suspek ng matalakay ito sa ginawang barangay assembly dahil sa umano’y kumakain ng pananim na halaman.

Napag-usapan umano sa pagpupulong na sana man lang ay itali o ikulong ang kanyang mga alaga upang maiwasan ang paninira sa mga halaman subalit hindi malinaw kung bakit ang pamilya ng bata ang napagdiskitahan ng suspek ngayong hindi naman umano sila ang nagreklamo.


Ayon pa kay PLTCOL. Abellera, inamin na ng suspek ang kanyang ginawang pamamaril ng iharap ito sa piskalya ng mga otoridad.

Matatandaang nagbabasa lamang si Robin Carl Londonio ng kanyang module ng bigla nalang pagbabarilin ng suspek na si Jose Baquiran, 60-anyos, biyudo ang kanilang bahay gamit ang M16 rifle na dahilan upang tamaan ito ng bala ng baril sa tiyan.

Sinabi pa ng hepe, posibleng naisip ng suspek na ang pamilya Londonio ang nagbigay impormasyon sa pagala-gala nitong mga kambing kung kaya’t ito ang napagdiskitahan ng suspek.

Nakita naman sa pinangyarihan ng krimen ang limang (5) basyo ng bala ng baril subalit hanggang ngayon ay hindi pa narerekober ang mismong armas na ginamit ng suspek.

Nabatid na nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin ang suspek ng mangyari ang insidente ng pamamaril.

Kaugnay nito,panganay sa dalawang magkapatid ang biktima habang ipinagbubuntis pa ng kanyang ina ang magiging bunso sana nitong kapatid.

Nahaharap sa kasong Murder in relation to RA 7610 ang suspek na nasa kustodiya ng pulisya.

Facebook Comments