
Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang cyberlibel complaint na inihain ni Senator Risa Hontiveros laban sa ilang personalidad at vloggers na kilalang tagasuporta ng mga Duterte.
Ang reklamo ay may kaugnayan sa umano’y pagpapakalat ng video ng whistleblower na si Michael Maurillo, alyas “Rene,” na nagsasabing binayaran umano siya ng senadora upang tumestigo laban kay Pastor Apollo Quiboloy at sa pamilyang Duterte.
Kabilang sa inireklamo ni Hontiveros sina Atty. Ferdinand Topacio, Jay Sonza, at mga vloggers na sina Jeffrey “Ka Eric” Celiz, Banat By o Byron Cristobal, Alex Destor na kilala bilang Tio Moreno, at Krizette Chu.
Batay sa dokumentong isinumite ni Topacio, ibinasura ng DOJ Panel of Prosecutors ang reklamo dahil sa kawalan ng prima facie evidence na magpapakita ng matibay na batayan upang mahatulan ang mga respondent sa kasong kriminal.
Ayon sa resolusyon ng DOJ, hindi sapat ang mga pahayag laban sa senadora upang makabuo ng kasong cyberlibel, kahit pa itinuturing na nakasasakit ang ilan sa mga ito.
Una nang iginiit ni Hontiveros na ang insidente ay hindi lamang usapin ng fake news, kundi isang pag-atake rin umano sa mga testigong handang magsalita sa kabila ng takot at banta sa kanilang seguridad.










