Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang reklamong libel sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act laban sa apat na miyembro ng Makabayan Bloc noong nakalipas na Kongreso.
Ang reklamong cyberlibel ay base sa reklamong inihain ng CIDG Pampanga laban kina Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas at mga noo’y Congressmen Carlos Isagani Zarate, Liza Maza at Luzviminda Ilagan.
Nag-ugat ang kaso sa online na bersyon ng dalawang pahayagan kung saan inakusahan ng apat ang PNP ng red-tagging at pagtatanim ng ebidensiya sa operasyon laban sa isang militante sa Ilagan City, Isabela noong 2015.
Sa pitong pahinang desisyon ng DOJ Panel of Prosecutors, binigyang-diin na hindi maaaring ireklamo ang apat na kasapi ng Makabayan Bloc dahil ang pahayag nila ay base sa isang panayam na lumabas sa dalawang pahayagan.
Sa ilalim ng batas, ang maaaring kasuhan ng libel ay ang may-akda na gumawa ng balita, nag-publish ng impormasyon at ang editor o business manager.
Ikinatuwa naman ng Bayan Muna ang pagbasura sa reklamo na ayon kay Zarate ay isang uri ng harassment ng pulisya.
Ang desisyon ay nabuo ng DOJ Panel of Prosecutors noon pang Mayo ngunit ang kopya ay kahapon lamang natanggap ng Bayan Muna.