Nakatanggap na ang Joint Task Force COVID Shield Facebook Page nang 97 na mga reklamo dahil sa mga paglabag sa community quarantine protocols.
Ayon kay JTF COVID Shield Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar, ang mga reklamong ito ay ang mga video at photo ng mga quarantine violators na nag-viral sa social media.
Karamihan sa mga naireport at naaksyunan na ay sa Metro Manila na 61 cases habang sa CALABARZON ay 16 cases.
Huling naireport sa JTF COVID Shield Facebook Page ay ang reklamo ng isang netizen na residente ng Marilao, Bulacan dahil sa umano’y regular na social gathering kabilang na ang pag-iinuman sa isang bahay sa Barangay Saog, Marilao.
Dahil dito, agad na umaksyon ang JTF COVID Shield at naaresto ang dalawang indibidwal na kinilalang sina Racquel Rivera at Cesar Jhon Rivera.
Sila ay dinala sa barangay hall at doon pinagpaliwanag.
Paglilinaw naman ni Eleazar, halos lahat ng kanilang mga nahuling lumalabag ay binibitbit nila sa barangay at hinihingian ng paliwanag at pinagbabayad ng multa batay na rin sa mga umiiral na ordinansa.