Reklamong pinipili ang binibigyan ng social amelioration cash assistance sa San Jose del Monte, Bulacan, itinanggi ng lokal na pamahalaan

Nilinaw ng lokal na pamahalaan ng San Jose del Monte City na hindi nito pinipili ang nabibigyan cash assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng gobyerno habang umiiral ang Enhanced community Quarantine (ECQ).

Ito ang mariing pahayag ni Mayor Arthur Robes sa naging reklamo ng Chairwoman sa barangay San Martin na nagsabing hindi naman tunay na kuwalipikado ang binigyan ng cash assistance sa kaniyang barangay.

Nilinaw ni Robes na nabigyan ng kopya ng master list ang kapitana ng San Martin.


Mayroon aniya itong sapat na panahon para i-review ang mga nasa listahan pero di nito ginawa.

Sinabi naman ni City Social Welfare Officer Marlyn Cumba na validated ang hawak nilang listahan kaya nagtataka na lamang sila dahil may iba pang gustong isingit ang kapitana.

Ani Robes, tanging ang barangay San Martin ang mayroong ganitong reklamo.

Pitong barangay na ang natapos ng DSWD at LGU sa distribusyon ng cash assistance.

Nasa 434 million pesos na ang naibigay sa San Jose del Monte Bulacan LGU para sa cash assistance ng abot sa 66,816 na benepisaryo.

Target ng lokal na pamahalaan na makumpleto ang distribusyon ng Social amelioration cash fund sa April 22.

Dagdag ni Robes, kasalukuyan pang hinihimay ang master list upang maihiwalay ang benepisaryo ng 4PS at sa SAP.

Handa naman ang alkalde na isapubliko ang listahan ng mga benepisaryo ng Social amelioration as ngalan ng transparency.

Sasaluhin naman ng LGU ang iba pang benepisaryo  na hindi napasama sa natukoy na  benepisaryo ng  SAP.

Facebook Comments